Pagsusuri sa Ang Pabo na Prinsepe

Ang pag-iisip ng iba ay hindi natin kontrolado, ngunit hindi ibig sabihin ay hindi na maaaring baguhin pa ang kanilang pananaw. Sa kwentong Ang Pabo na Prinsepe na mula sa bansang Turkey at isinalin sa wikang Filipino ni Benjamin B. Sonajo Jr., buksan ang isipan kung paanong ang maling pag-aakala ay itinama.

Ano nga ba ang meron sa prinsepeng ito na nag-udyok sa ibang tauhan sa kwento na isipin ang kung anumang tumatakbo sa kanilang isipan? Iyan ang tutuklasin sa pagsusuring ito na maghahatid sa inyo ng mensaheng ang sitwasyong kinakaharap mo ngayon ay hindi mananatiling ganoon magpakailanman.

Pagsusuri sa Ang Pabo na Prinsepe. (Inedit sa Canva)

Buod ng Kwento

Dahil sa pag-aakalang siya ay isang pabo, ang isang prinsepe ay pinaghinalaang baliw ng mga tao lalo pa noong ito'y nagtanggal ng damit at umaktong parang tumutuka ng pagkain na kagaya sa isang pabo. Lubos ang pangamba ng hari't reyna lalo pa pa't ang tagapagmana ng trono ay tila nawawala na sa sarili.

Hanggang isang araw, isang ermitanyo ang dumating. Lahat ng tiwala ay naipasa sa kaniya dahil wala ni isang manggagamot ang nakalunas sa biglaang inaasta ng prinsepe. Sa di maipaliwanag na paraan, ginaya ng ermitanyo ang galaw ng prinsepe.

Hindi nagtagal, tinanggap nito ang ermitanyo bilang kaibigan. Sa pagkakataong iyo, pinayohan niya ang prinsepe na ang pabo ay kumakain din sa lamesa at nagsusuot ng damit. Kalauna'y, naging normal din ng kilos ng prinsepe.

Paksa at Mensahe

Ang kwentong Ang Pabo na Prinsipe ay nais maghatid ng mensaheng ang pagtanggap at pag-unawa ay mas mabisa pa minsan kaysa sa lunas. Ang paksa ng kwento ay tumutok din sa kahalagahan ng pag-iisip sa pagbitaw ng mga salita. Huwag maging mapanghusga dahil hindi sa lahat ng pagkakaton ay ikaw ay tama.

Sa halip na nakakatulong, ang mga salitang nabibitawan ng tao ay minsan dumudurog sa puso lalo na kung galing pa sa taong malapit sa iyo.

Mga Tauhan

Ang Prinsipe: Ang pangunahing karakter sa kwento. Ang hinusgahan at pinag-akalahang pabo dahil sa kinikilos niya.

Hari at Reyna: Ang ama't ina ng prinsepe na nangamba dahil sa ibang kinikilos ng kanilang tagapagmana sa trono.

Ermitanyo: Ang tumulong sa prinsipe na maunawaan ang kanyang sitwasyon at nagpabalik sa normal nitong kilos at pag-iisip. Ang nag-iwan ng mahalagang aral.

Balangkas

Simula

Isinalaysay ang kakaibang kilos ng prinsipe. Tinanggal ang kasuotan at pumunta sa ilalim ng lamesa habang ginagaya ang kilos ng isang pabo. Dahil lamang sa ginagawa nito ay agad siyang hinusgahan.

Gitna

Dahil sa pag-aastang pabo, tumawag ang kaharian ng mga manggagamot. Kahit isa sa kanila ay walang makatukoy sa lunas para sa prinsepe. Hanggang sa dumating ang isang ermitanyo na gumawa ng isang kakaibang paraan ng paggagamot.

Wakas

Ginaya lamang ng ermitanyo ang prinsepe. Sa tulong din ng kaniyang paraan para maunawaan ng prinsepe ang kaniyang ginagawa, unti-unting nalala ng prinsepe kung sino siya. 

Estilo ng Pagsusulat

Ang estilong ginamit sa naturang kwento ay pagsasalaysay na ginamitan ng matatalinhagang salita. Nabanggit ang salitang nahintatakutan na ang ibig sabihin ay nangamba at lubos na natakot. Sa pamamaraang ito naisalaysay ng maayos ang bawat eksena kasabay ang damdaming nais nitong iahayag sa mambabasa. 

Konklusyon

Bagama't inisip ng prinsepe na siya'y isang pabo, hindi matatanggal sa kaniya ang pagrespeto at pag-unawa. Hindi masasabing wala sa pag-iisip ang prinsepe dahil nagawa pa rin nitong tanggapin bilang kaibigan ang ermitanyo, bagay na tayong tao lamang ang may kakayahang gawin. Marahil ay natutuliro lamang ito.

Oo't kakaiba ang paraan ng panggagamot ng ermitanyo, masasabing ito ang pinaka-epektibo sa lahat ng gamot at lunas na ginawa pra sa prinsepe dahil ito lamang din ang nakapagbalik sa normal nitong kilos at pag-iisip.

Mula sa kwentong ito, binuksan ang ating isipan sa pagiging mapagmalasakit kaysa sa mapanghusga, magtiwala kaysa mawalan ng pag-asa, at magpatibay ng loob sa gitna ng pagsubok.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento