Pagsusuri sa Akdang Liongo

Ang pisikal na kalakasan ay hindi likas sa atin, ngunit kung ito ay ating pinagtuunan ng pansin kaakibat ng tamang aksyon, tiyak na ito'y makakamtan natin. Ngunit sa sulating ito, susuriin ang isang malakas na indibidwal na hindi nasusugatan ng armas. Kung bakit nga ba siya'y itinuturing din na pinakamahusay na makata sa kanilang lugar ang siyang matutuklasan.

Ito ang akdang Liongo, isang mitolohiya na mula sa bansang Kenya ng Africa, na isinalin sa wikang Filipino ni Roderic P. Urgelles. Bigyang-pansin ang bawat pangyayari at himayin ang mga tagpo upang matukoy ang mga suliraning kinaharap ng pangunahing tauhan sa kwento at kung anong aral ang mapupulot dito.

Pagsusuri sa Akdang Liongo. (Inedit sa Canva)

Buod ng Liongo

Si Liongo ay isang bayani at makata mula sa isa sa pitong baybaying-dagat ng Kenya. Maliban sa pagiging hari sa Ozi at Ungwana sa Tana Delta, at Shangha sa Faza o isla ng ng Pate, siya ay kilala rin sa taglay niyang lakas at taas tulad ng higante. Hindi rin siya basta-basta nasusugatan ng anong armas. Ngunit kagaya ng iba, siya ay may kahinaan din at ito'y isang lihim na tanging siya lamang at ang kaniyang inang si Mbwasho ang nakakaalam. 

Nagtagumpay si Liongo na agawin ang trono ng Pate kung saan ang kaniyang pinsang si Haring Ahmad ang unang namuno. Dahil sa kagustuhan ni Haring Ahmad na mawala si Liongo, ikinadena niya ito at kinulong. Habang abala ang iba sa pagkakanta sa labas ng bilangguan, ginamit ni Liongo ang kaniyang talino at lakas hanggang siya ay nakahulagpos sa tanikala na hindi nakikita ng mga bantay.

Nanirahan si Liongo sa Watwa at nagsanay sa paggamit ng busog at palaso. Kalauna'y nagkaroon ng isang paligsahan ng pagpana kung saan siya ang nanalo. Ang may pakana rin nito ay ang hari upang siya’y madakip. Gayunpaman, muli siyang nakatakas.

Dahil nga hindi madakip-dakip ng tuluyan si Liongo, binigay ng hari ang dalaga niyang anak para maging pakasalan si Liongo at siya'y maging bahagi ng pamilya. Kalauna'y nagkaanak siya ng isang lalaki na sinong mag-aakala ay siya rin palang magiging dahilan ng kaniyang kamatayan.

Mga Pangunahing Tauhan

Liongo: Likas na malakas at matalino, ngunit sa likod ng tila hindi bakal niyang lakas ay may kinukubli siyang sikreto tungkol sa kaniyang kahinaan na matatagpuan sa kaniyang pusod.

Haring Ahmad (Hemedi): Tuso at hindi agad-agad sumusuko. Sa kabila ng kaniyang kabiguan pagkatapos ng isa pang kabiguan, hindi talaga siya sumuko hanggat hindi niya nadadaig si Liongo.

Mula sa dalawang karakter na ito, mabubuo ang mensaheng:

Hindi porke't ikaw ay hinahangaan ng iba dahil sa taglay mong tapang at lakas ng loob ay wala ka nang kahinaan. Gayunpaman, kapag gusto ang isang bagay, ang pagsuko ay hindi kailanman magiging isa sa pagpipilian. Meron at meron kang magagawa.

Konklusyon

Ang kwentong Liongo ay hindi lamang basta umikot sa pangunahing tauhan. Ito rin ay nagpakita repleksyon ng mas malawak na konteksto ng lipunan, partikular ang paglilipat ng kapangyarihan mula sa matrilinear tungo sa patrilinear na sistema ng pamamahala. Ipinapakita nito na sa paglipas ng panahon, ang mga bagay-bagay ay nagbabago.

Mula sa kwentong ito, atin ding pakatatandaan na kahit ang pinakamalalakas at pinakamahuhusay ay may mga kahinaan rin. Ang sikretong kahinaan ni Liongo ay sumisimbolo sa katotohanang ang bawat tao, gaano man kadakila, ay may kahinaan na maaaring magdulot ng kanilang pagbagsak. Ito'y isang aral na kahit sa modernong panahon kung saan ang pagiging bukas sa sariling limitasyon ay nananatiling makabuluhan.

Sa kabuuan, ang kalikasan ng tao, lipunan, at ang ugnayan sa pagitan ng lakas at kahinaan ay mahusay na pinakita sa akda. Tunay na ang pagiging bayani ay hindi lamang nasusukat sa pisikal na lakas, kundi sa husay, talino, at kakayahang tumayong muli mula sa mga mahihirap na hamon ng buhay.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento