Pagsusuri sa Akdang Si Pilandok at ang Batingaw

Kung ating babalikan ang nakaraang talakayan na umikot sa Pagsusuri sa mga Pabula at ilang Halimbawa, binigyang-linaw na ang mga pabula ay binunuo ng mga karakter na hayop kung saan pinapabatid sa mga mambabasa ang mga katangian na maihahalintulad sa ating mga tao. Ngayon nama'y iikot ang talakayan sa kwentong Si Pilandok at ang Batingaw.

Larawan ng isang Pilandok. (Ang litratong ito ay mula sa Pixabay)

Isang akdang isinaayos muli sa Maranao, ang Pilandok at ang Batingaw ay naglalahad ng mga pangyayaring makikitaan ng samu't saring katangian. Bilang isang matalinong karakter, binuhay sa katauhan ng karakter na hayop na si Pilandok ang likas na pagiging maparaan ng isang tao.

Sa linyang, "isinuyod ang lupa para maghanap ng makakain," mahihinuha ang kasabihang kapag gusto ay talagang may paraan. Madalas din itong makita sa araw-araw nating pamumuhay, lalo na sa ating mga kababayan na halos ginagawa ang lahat, sa mabuting paraan, para lamang may maiuwing pagkain sa kanilang tirahan.

Sa linya namang, "ako ay naatasan ng Sultan na bantayan ang napakahalaga at mamahaling gamit niya at nakataya ang buhay ko para rito" ay nagpapakita ng pagiging tapat. Ngunit kailangang mag-ingat dahil minsan, kung sino pa ang mga taong masyadong naglalantad ng kanilang pagiging tapat ay nagbabalat-kayo lamang pala.

Kung ipagpapatuloy ang kwento, mapapansin na tila nagbago ang ihip ng hangin sa karakter ni Pilandok magmula nang dumating ang estrangherong nakasakay sa isang kabayo na si Somusun. Mula sa katagang, "Ibibigay ko sa iyo ang mamahaling bagay na mayroon ako kapalit ng pahintulot na mapatunog ang batingaw na iyan" ay nagpapakita ng kulturang barter system. Kagaya nnang umusong sistema noong unang panahon, nagpalitan ang dalawa.

Dito na pupunta ang climax ng kwento kung saan si Pilandok ay lubhang nasisiyahan sa mga pangyayari. Agad naman niyang sinulit ang pagkakataon at kinuha ang mga mamahalin at kumikisnang na mga bagay mula kay Somusun. Dahil nga rin sa pag-aakalang isang espesyal na batingaw ang kaniyang mapapatunog, hindi na naisip ni Somusun na baka siya ay binobola lamang.

Sa halip na karangalang mapatunog ang batingaw, isang masakit na pangyayari ang inabot ni Somusun sa animo'y kampana na isa palang bahay-pukyutan.

Masakit man kung iisipin pero minsan, nasisilaw talaga ang ilan sa mga bagay na kumikinang o malaki ang halaga. Ang mas masaklap dito ay ang pagbibigay ng tiwala dahil sa pag-aakalang mabuti naman ang hangarin ng iba. 

Bilog nga naman talaga ang mundo at kung bakit ganon na lamang ang nagagawa ng iba ay isang palaisipan na tayo lang din ang makakasagot.


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento