Pagtitiwala sa Gitna ng Pag-ibig: Ang Mensahe sa Mitolohiyang Cupid at Psyche

Cupid at Psyche
Larawan ni Cupid. Galing ito sa Unsplash.

Ang nadarama ng bawat tao ay hindi basta-basta nababasa sa mukha. Ito ay likas, dalisay, at napakalawak. Pero paano naman kung ang iyong nadarama ay pag-ibig na? Hanggang saan ang kaya mong gawin para sundin ang tinitibok ng iyong puso? 

Pag-ibig. Pagtitiwala. Pagsasakripisyo. 

Gamit ang mga salitang ito, hihimayin ang mensaheng nais ihatid ng kwentong Cupid at Psyche kung saan ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang nakasentro sa pisikal na anyo, kundi sa pagtanggap at pagmamahal nang buo sa pagkatao ng isa't isa. 

Isang mahalagang tema sa mitolohiyang Cupid at Psyche ay ang kahalagahan ng tiwala kagaya sa nararanasan ng iba kung saan humahantong ito sa mga pagsubok na hindi man ninais pero kailangang harapin. Kasama din ang pagtitiis at pagtitiyaga na siyang sumusubok sa katatagan at kung hanggang saan ang kayang gawin manatili lang matatag ang pundasyon ng pagmamahalan.

Narito ang ilang kategorya na naglalayong gawing maayos ang pagkakalahad ng mensahe. Gayunpaman, ang mga ito ay nagnanais na makapagbukas ng isipan at gawing maganda ang daloy ng pagsagap ng impormasyon.

Sa Sarili

Sa anumang bagay na ating hinaharap, mapasimpleng bagay man o hindi, kailangang maging maingat sa paggawa ng desisyon. Kakambal nito ang pagtitiwala kagaya ng masasalamin sa kwento. Ang simpleng pagtitiwala ay napakadali lamang gawin kung iisipin ngunit minsan ay nagdudulot ito ng bagay na hindi ninanais. Gayunpaman, ang pagpapakita ng katatagan ay isang simbolo ng lakas.

Dagdag dito, huwag ding magpaapekto sa mga bumubulosok na pagsubok kung ikaw man ay nagmamahal. Kagaya ng ibang hadlang na bumabalakid sa pag- abot ng mga mithiin sa buhay, manatiling matatag at buo ang tiwala sa sarili.

Kung gusto mo, may paraan at dahil diyan matutong ipaglaban ang siyang tama at siyang makabubuti sa sarili at kapwa. Marami mang bagay ang handang magdala sayo pababa pero laging iisipin na mas mabuting magpakumbana kaysa magpaapekto sa inggit dahil kailanman ay hindi ito magdudulot ng mabuti sa relasyon man o sa ibang bagay.

Sa Pamilya

Kagaya ng isang bahay, ang pamilya ay binubuo ng pundasyon. Hindi porket ikaw ang siyang nakakadama ng pag-ibig ay hindi ka na magiging bukas sa payo ng iyong pamilya. Tandaan na nagiging matibay ang pundasyon kung ito'y siksik at hindi kulang. Dahil dito, ang pagtanggap ng desisyon ng bawat miyembro ay mahalaga.

Normal lang din ang pag-aaway sa gitna ng relasyon. Ngunit tandaan din na kahit gaano katindi ang siyang nadarama, magkaroon man ng alitan, sa huli ay nandiyan pa rin ang pamilya na siyang nagiging sandigan at kakampi mo. Hindi man ito naaangkop sa iba ngunit ito pa rin talagang nangyayari.

Hindi masamang gumawa ng sariling desisyon pero kung ang payo naman ng nakakatanda sayo ang siyang maglilugtas sa kapahamakan, bakit ka hindi tatalima?

Sa Kapwa at Lipunan

Minsan ay hindi rin maitatangging merong mga tao ang may ayaw sa inyong relasyon. Gagawin nila ang lahat mapaghiwalay kayo lamang ngunit kahit ganon pa man, matuto pa ring magbigay respeto sa iba. Hindi mo na problema kung ayaw nila sa inyo, ang mahalaga ay walang inaapakang tao.

Dagdag dito, igalang din ang desisyon ng bawat isa. Palaging piliin na magpakumbaba ano man nangyayati o kahit ano pa ang estado sa buhay. Matutong magpatawad sa kapwa dahil minsan ay tinitimbang lamang kung hanggang saan ang kaya mong gawin at tiisin sa gitna ng pagmamahalan.

Higit sa lahat, ang pag- ibig ay hindi dapat minamadali dahil ang tunay na tinitibok ng puso ay hindi pansamantala lamang. Minsan mas matagal pero matutong maging pasensyoso sa paghihintay dahil ang lahat ng tao ay may kaniya-kaniyang kapalaran.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento