Mga Elementong Bumubuo sa Kwento

Mula sa pagbuo ng mga salita hanggang sa pag-aayos sa daloy ng kwento, ang pagsusulat ay isang malikhaing proseso na nangangailangan ng masusing pag-iisip at detalyadong pagkakaayos ng bawat elemento. Kung bakit ganoon kaimportante ay upang maging kapana-panabik at makabuluhan ang kabuuan nito. 

Ang pagbibigay buhay sa kwento. (Ang litratong ito ay mula sa Pixabay)

Sa ating pagsusulat, mahalagang isaalang-alang ang mga pangunahing bahagi ng isang kwento at kung paano natin sila mabibigyan ng buhay. Upang maisagawa ito ng maayos, iisa-isahin ang mga elementong ito.

Pagbuo ng Tauhan o Character

Ang ating tinatawag na mga tauhan sa kwento ay mga karakter na nagbibigay-buhay sa kwento. Sila ang nagbibigay ng aksyon at nagpapadama ng emosyon na siyang iniikotan ng kwento. Sa paggawa ng tauhan, importanteng mabugyan ng pansin ang mga sumusunod:

  • Pisikal na itsura (anyo, kasuotan, estilo)
  • Pag-uugali (kilos, pananalita, at pananaw)
  • Layunin o adhikain (ang rason sa likod ng kanilang karakter)
  • Pagsubok na kinakaharap (problema o hamon na haharapin sa kwento)

Kung ang tauhan na iyong nais ibida sa kwento ay isang bayani, mahalaga na malinaw ang kanyang mga katangian. Maaring siya ay matapang, malakas, at may malasakit sa kapwa. Huwag ding kakalimutan na ipakitanang kanyang mga kahinaan upang mging balanse ang daloy ng istorya.

Gayunpaman, nasa manunulat pa rin ang desisyon kung magdadagdag siya ng lalim sa mga karakter, na maaring magbigay ng karagdagang interes o di kaya'y inis sa mga mambabasa. Minsan, ginagawa nitong mas kapana-panabik ang kwento.

Paglahad ng Tagpuan o Setting

Ang tagpuan naman ay mas kilala sa mga mag-aaral sa tawag na lugar na pinangyarihan ng kwento. Gayunpaman, hindi lamang ito simpleng lugar kung saan nagaganap ang kwento, kundi ito rin ay nagbibigay ng tamang damdamin at tono para sa kwento. Kung bakit mahalaga ang tagpuan ay dahil sa mga sumusunod na elemento:

  • Atmospera (ang pakiramdam sa kwento, kung ito ba ay masaya, malungkot, nakakakaba)
  • Kasaysayan o panahon (modernong panahon, sinaunang mundo, hinaharap o kombinasyon ng tatlo)
  • Kultura at lipunan kung saan umiikot ang kwento

Kunwari, ang kwento ay umiikot sa masikip at madilim na eskinita sa kasulok-sulokan ng isang baryo. Ito ay maaaring magbigay ng pakiramdam ng takot at pangamba na maaaring magbigay kulay at tensyon sa mga kaganapan sa kwento.

Paggawa ng Banghay o Plot

Ang banghay ay tumutukoy naman sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa istorya. Dito madalas nilalahad ng awtor ang mga problema, solusyon, at ang kahihinatnan ng bawat tauhan. Upang mas maging malinaw, ito ay karaniwang binubuo ng mga sumusunod:

  • Simula (unang pagpapakilala sa mga tauhan at tagpuan)
  • Gitna (pagharap ng tauhan sa mga pagsubok at pati rin ang mga salungatan)
  • Wakas (resolusyon o pagtatapos ng kwento)

Ang isang teknik upang gawing mas kapanapanabik ang kwento, ay ang pagbibigay ng mga twist sa banghay. Maaari itong maging biglaang pangyayari na hindi inaasahan ng mga mambabasa. Yung magugulat ka na lamang na ganon ang nangyari.

Pag-iisip ng Tema o Theme

Tinatawag na sentral na ideya o mensahe ng kwento, ang tema ang siyang nagpaparating ng aral sa bawat mambabasa. Ang kadalasang tema na mapapansin ay ang mga sumusunod:

  • Pag-ibig
  • Katarungan
  • Pag-asa
  • Kahirapan

Bilang direksyon sa kwento at tagapagbigay saysay, ang tema ng iyong kwento ay kailangang maging epektibo. Pwedeng pagsamahin ang isa o higit pang tema, ngunit kailangang balansehin pa rin ang mga pangyayari.

Paghubog ng Damdamin o Emotion

Bagama't ang damdamin ay nagbibigay buhay sa kwento, mahalagang isaalang-alang na huwag gawing sobra ang pinaparamdam na emosyon. Ang epektibong pagparamdam sa mga mambabasa ng iba't ibang emosyon kagaya ng tuwa, lungkot, takot, galit, o pag-asa ay ang pagpapakita sa mga ito. Sa wikang Ingles, "show, don't tell."

Sa pamamagitan ng tamang paggamit ng wika, paglalarawan, at aksyon, maipapadama sa bawat mambabasa ang eksenang nais ipasok sa kanilang imahinasyon. Upang maisagawa ito, mahalagang malaman kung paano mo gustong maramdaman ng iyong mga mambabasa ang bawat yugto ng kwento.

Sa kabuoan, tunay na ang paggawa ng kwento ay isang proseso na humuhubog sa malikhaing isipan, hindi lamang ng sumulat kung hindi pati rin ng mga mambabasa. 

Ang maayos na paglikha ng tauhan, tagpuan, banghay, tema, at damdamin ay makakatulong upang makabuo ng isang istorya na magtatatak ng aral sa isipan at damdamin ng mga mambabasa. Tandaan rin na walang istriktong pormat o formula sa paggawa nito. Ngunit sa bawat hakbang na gagawin, mahalagang maging bukas sa inspirasyon at patuloy rin na magsaliksik upang mas mapaganda ang iyong mga susulating kwento.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento