Mula sa mga salitang ipinasa-pasa mula sa sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, ang alamat ay isang makasaysayang uri ng panitikan na hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinatalakay at pinag-uusapan. Ang mga pinagmulan ng mga bagay-bagay ay malikhaing inilahad sa pamamagitan ng kwento at kung bakit ganon na lamang kahalaga ang ambag nito sa atin kasaysayan ay siyang tatalakayin sa sulating ito.
Ano ang Alamat?
Galing sa salitang Latin na legendus, na ang kahulugan ay upang mabasa, ang alamat na kilala rin sa tawag na legend sa wikang Ingles ay nagsasaad kung paano nagmula ang mga bagay-bagay sa ating paligid.
Bagama't walang siyentipikong proweba na humahalili sa mga ito, ang alamat ay isang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino na siyang kinawiwilihan ng nakararami dahil sa taglay nitong kababalaghan o mga hindi pangkaraniwang pangyayari.
Paksa at Katutubong Kultura
Karaniwang nailalahad sa mga alamat ang natatanging katutubong kultura. Kabilang din dito ang mga kaugalian, nakasanayan at maging ang kasaysan ng bansa.
Madalas mabasa sa mga ito ang mga magagandang katangian ng mga Pilipino. Ang ilan sa mga kaugaliang ito ay ang mga sumusunod:
- Magandang kalooban
- Katapatan
- Katapangan
- Mapagkumbaba
Sa kabilang banda, hindi rin maikakaila na sa iba pang katangian na pinapakita sa mga alamat ang mga hindi mabuting katangian. Ang mga ito ay personal nating napapansin sa ating kapwa, at minsan, sa ating sarili din.
- Kasakiman
- Kalupitan
- Paghihiganti
- Mapagmataas
Gayunpaman, sa kabila ng mga bagay na nabanggit, karaniwan namang kapupulutan ng aral ang mga alamat. At kung iyong napansin, ang bawat alamat ay nais maghatid ng mensahe na ang kabutihan ay laging nangingibabaw kumpara sa kasamaan.
Ang Kaligirang Pangkasaysayan ng Alamat
Ang mga karunungan-bayan na kinabibilangan ng mga alamat ay makabuluhang parte ng ating kasaysayan na hinubog at pinalaganap ng ating mga ninuno.
Sa pamamagitan ng paraang pasalita, nagpasalin-salin sa bibig ang mga ito sa bawat henerasyong dumating.
Kung ating babalikan ang mga nagdaang panahon, ang mga kauna-unahang alamat ng ating mga ninuno ay mapapansing tumutukoy sa mga anito, bathala, at pananampalataya sa Lumikha.
Sa pagdating ng mga dayuhan, lalo pang napayaman ang mga kultura't panitikan. Dahil din dito, natuto ang ating mga ninuno ng alpabeto na tinatawag ngayong Alibata.
Sa katotohana'y, ang ilan sa ating mga alamat na bukambibig natin ay naisatitik ng ating mga ninuno sa mga bagay na natural na matatagpuan sa paligid. Kabilang dito ang kawayan, dahon, kahoy, at maging sa mga bato sa pamamagitan ng pag-ukit. Ang karaniwang gamit ay mga matutulis na bagay kagaya ng kahoy o bato.
Sa patuloy na pagdating ng iba't ibang dayuhan kagaya ng mga Tsino, naiugnay din ang kani-kanilang kultura na siyang nag-ambag rin sa patuloy na pag-unlad ng mga alamat at ng iba pang karunungang-bayan sa ating bansa.
Ang pag-unlad ng ating wika at paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno ay siyang naghudyat sa patuloy na paglaganap ng mga alamat. Bagama't may mga nailimbag, mas nakahihigit pa rin ang mga alamat na nagpasalin-salin sa bibig nating mga Pilipino.
Subalit sa pagdating naman ng mga dayuhang Kastila na nagpalaganap ng pananampalatayang Katolisismo, saglit na napigil ang paglaganap ng mga panitikang katulad ng mga alamat. Bagama't may mga sabi-sabing aksyon kagaya ng pagsunog sa mga kopya ng mga alamat na ito, patuloy na nangibabaw ang pagkakasalin-dila ng mga karunungang-bayan. Dahil dito kaya nananatili pa rin sa kasalukuyan ang mga natatanging bahagi ng panitikan at kasaysayan kagaya ng alamat.
0 Mga Komento