Pagsusuri sa Akdang si Juan Osong: Katalinuhan at Katusohan

Mula sa pagsusuri sa akdang Si Pilandok at ang Batingaw, ang mga karunungang-bayan ay tunay na nagpapabatid ng iba't ibang aral sa mga mambabasa. Kasabay nito ang aliw na hinahatid mula sa kakaibang paraan ng paglalahad ng istorya. Bilang karagdagan sa mga natutuhan, ang kwentong si Juan Osong naman ang maghahatid ng mga makabuluhang mensahe.

Pagsusuri sa Akdang si Juan Osong
Ang kakaibang katalinuhan ni Juan Osong. (Ito ay galing sa Unsplash)
 

Ang paglusot sa mga hamon ng buhay ay tila kay hirap gawin, ngunit kay Juan, tila naging madali lamang dahil sa kakaiba nitong paraan. Kung bakit ito'y kakaiba ang siyang matutunghayan sa sulating ito.

Ang Bagong Ordinansa

Sa lugar kung saan nakatira si Juan, may bagong ordinansa na nagbabawal na maglakad sa kalsada pagsapit ng alas diyes ng gabi. Kung atin itong ihahambing sa reyalidad, masasabing normal lang ang ganitong patakaran lalo pa't naglalayon itong protektahan ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan.

Nang minsang siya ay nasa kalsada pa kahit alas diyes na, naisipan niyang gumapang na lamang. Kung bakit ganon na lamang ang kaniyang ginawa ay upang hindi niya malabag ang ordinansa.

Napansin siya ng pulis na nagbabantay at nang tanungin siya bakit naroon pa siya't gumagapang, ito ang kaniyang naging sagot: "Opo, alam ko, pero nakikita naman ninyo. Hindi po ako naglalakad. Ako po ay gumagapang."

Kung iisipin, ang kaniyang naging aksyon at katwiran ay maihahalintulad sa pagiging pilosopo. Gayunpaman, pinatunayan niya na sa bawat hamon o suliranin, palaging mayroong solusyon nang hindi teknikal na lumalabag sa batas. 

Siya nga nama'y hindi naglakad, kundi gumapang.

Sa Kuwartel ng Militar

Nakagisnan na sa tuwing may dumaraan sa kuwartel, inaasahang aalisin nito ang kaniyang sumbrero tsaka sasaludo sa bandila. Sa kabilang banda, nang minsang dumaan si Juan doon at napansin ng gwardiya na hindi ito sumunod sa nakagisnan, kwinestyon niya ito. 

Sa sagot ni Juan na, "Ginoo, kung mag-aalis po ako ng sumbrero, malalantad po ang ulo ko sa init," mahihinuhang nais lamang nitong protektahan ang ulo mula sa maiinit na sikat ng araw.

Gayunpaman, pinagbawalan siyang itapak pang muli doon ang kaniyang mga paa simula sa araw na 'yon. Dahil kailangan niyang dumaan doon araw-araw, nakaisip siya ng istratehiya, at yun ang paghukay ng lupa at paggamit ng kariton.

Nang mapansin siya ulit ng gwardiya at sinabing siya nga'y pinagbabawalan ng iapak ang mga paa doon, ang tanging nasagot ni Juan ay, "Opo, pero nakaapak naman po ako sa sarili kong lupa." 

Muli, nagawang malusotan ni Juan ang hamong tinangkang pumigil sa kaniya. Ngunit dahil nga siya'y matalino sa kakaibang paraan, kaniya itong napagtagumpayan.

Si Pedro na kaniyang Kapatid

Ngayo'y dumako naman tayo sa usapan nila ng kaniyang kapatid na si Pedro. Ang tagpong ito ay nakasentro naman sa pag-alis nila sa kanilang bahay, upang mangaso. Sinabi ni Pedro na ikandado ni Juan ang pinto ngunit dahil sa kakaibang pamamaraan niya ng pagsunod sa mga utos, aba'y dinala niya ang pinto. Nang tanungin ni Pedro kung bakit dinala niya ito, ito ay upang wala daw talagang makakapasok sa pinto.

Bagama't pilyo ang naging sagot, may katwiran naman siya na walang makakagamit na iba sa pinto. Yung nga lamang ay malaya nang makakapasok ang ibang tao sa kanilang tahanan.

Ang Grupo ng mga Magnanakaw

Sa senaryo pa rin na kasama ang kaniyang kapatid na si Pedro, nagdala si Juan ng palakol dahil nga ang dalawa'y magsisibak ng kahoy sa gubat. Pagkatapos naman nito, ipinasiya nilang akyatin ang isang puno upang doon makapagpahinga. 

Nang marating ang itaas ng puno, dumating naman ang isang grupo ng magnanakaw sa ilalim mismo ng puno na kanilang inakyat. Nagsimulang buksan ng mga magnanakaw ang kanilang sako para paghati-hatian ang mga ito. 

Biruin mo nga naman, pagkatapos maghati-hati ay nakuha pa nilang magluto. Dahil sobrang natatakam si Juan sa amoy ng nilulutong pagkain ng mga magnanakaw, ibinagsak nito ang pinto. Ganon na lamang ang pagkagulat ng mga magnanakaw. Naging mas matindi pa ito ng pinalakas ni Juan ang kaniyang boses at sinabing, “Ako’y malaking tao, isang higante, bakit kayo nangangahas na istorbohin ako?”

Upang mapatunayang isang higamte nga ang nagsalita, nagbigay hamon ang mga magnanakaw. “Ihulog mo nga ang isa sa iyong mga ngipin?” Dahil dito, hinulog naman ni Juan ang kaniyang palakol. Sa gulat ay kumaripas na lamang ng takbo ang mga magnanakaw. 

Hindi lamang ang nilulutong pagkain ang naiwan ng mga magnanakaw kung hindi pati rin ang mga bagay na kanilang kinuha. Pagkababa'y kinain nila ang naiwang pagkain at inuwi rin ang mga nakasakong gamit.

Pangwakas

Bagama't tuso at may bahid ng pagkapilosopo si Juan, mababatid sa kwentong ito na kapag gusto ang isang bagay, palagi talagang may paraan.

Gayunpaman, lagi pa ring isaalang-alang ang ibang alternatibo. Hindi man nalabag ng direkta ang mga ordinansa at mga bilin o pinagbabawal ng iba, palagi pa ring isipin na huwag sumuko at patuloy na mag-isip ng solusyon sa bawat hamon ng buhay.

Tunay na mayaman ang kultura't panitikan ng bansa. Sa pamamagitan ng mga kwentong-bayan na mga ito, masasalamin din natin ang pagkamalikhain at likas na talento at katalinuhan ng ating mga ninuno. Dahil dito, marapat lamang na patuloy nating pagyamanin ang sariling atin.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento