Kagaya ng paboritong pagkain o lugar na binabalik-balikan, natural sa atin ang pagpili sa isang bagay kung saan tayo ay kumportable at mas nasisiyahan. Sa usaping tabloid at broadsheet, ano naman kaya ang iyong pipiliin?
Kaya naman sa sulating ito, tatalakayin ang pinagkaiba ng dalawa at kung ano ang nagiging laman ng mga karaniwang usapan pagdating sa pagkalap ng impormasyon. Kung iniisip na may kinalaman ito sa kalidad, uri, at kung gaano nahihikayat ang mga mababasa ang siyang pag-uusapan.
![]() |
Ano ang higit na binabasa ng mga tao ? Tabloid o Broadsheet? (Inedit sa Canva) |
Ang iba'y mas pipiliin ang tabloid, samantalang ang iba ay marahil mas gusto ang broadsheet. Pero ano nga ba ang mga bagay na ito?
Depinisyon: Ano ang Tabloid at Broadsheet?
FT Weekend, isang uri ng broadsheet. (Mula sa Unsplash) |
Ang tabloid ay isang uri ng pahayagan kung saan ang nilalamang impormasyon ay madalas nakasentro sa mga kontrobersyal na usapin, showbiz at entertainment na madalas tampok na pag-usapan.
Sa pisikal na anyo, ang sukat ng tabloid ay mas maliit kaysa sa broadsheet. Mas maikli rin ang mga artikulo na nakaimprinta dito. Mas malaki at makulay din ang mga teksto sa tabloid. Mas marami ring larawan at kadalasang kinikiliti nito ang masa, lalo na ang mga mahihilig sa tsismis dahil na rin sa mga salitang labis na naglalarawan.
Sa kabilang banda, ang broadsheet ay naglalaman ng mga impormasyon na may malalimang talakay sa mga mga napapanahong isyu sa lipunan. Kabilang dito ang mga usaping pampulitika, ekonomiya, at maging ang mga pandaigdigang balita.
Sa unang tingin, masasabing ang broadsheet ay mas pinipili ng mga taong naghahanap ng mas detalyado at balanseng impormasyon.
Ano ang mas paborito ng masa?
Kung pag-uusapan kung alin ang mas pinipili ng masa, nakadepende ito sa uri ng impormasyon na nais malaman at basahin, presyo, at iba pang bagay.
Madalas impormal ang salitang ginagamit sa tabloid at kinagigiliwan itong basahin kung naghahanap ng mga kakaibang tsismis at kwento na madalas kumikiliti ng interes ng mga mambabasa.
Sa mga usaping may kinalaman naman sa mga napapanahong balita sa lipunan at mundo, madalas binabasa ang mga broadsheet. Dahil suportado ng mga totoong datos, ang broadsheet ay simple at walang bias.
Base sa presyo, mas mura naman ang mga tabloid. Gayunpaman, ang dalawang ito ay madali lamang mahanap at mabili dahil na rin sa kadahilanang tayo ay mahilig magbasa.
Konklusyon
Sa panahon ngayon kung saan maraming balita ang nababaluktot, maging maingat sa pinagkukunan ng impormasyon. Uso pa man din ang misinformation.
Sa usaping ito, hindi lamang basta kinumpara ang tabloid at broadsheet sa isa't isa. Sa pagkakalap ng makatotohanang balita na suportado ng krebilidad, nangunguna ang broadsheet. Importante din naman ang mga tabloid. Hindi lamang pampalipas oras kundi nagbibigay din ng kamalayan sa lipunan.
Alin man sa dalawa, palaging tatandaan na pareho itong magandang medium ng pagbibigay impormasyon sa madla.
0 Mga Komento