Simula pagkabata, maririnig sa radyo at mapapanood sa telebisyon ang mga balita't balitaktakan na siyang gumigising at nagbibigay sigla sa atin sa umaga habang nagtitimpla ng kape at sinisimulan ang araw.
Ang tawag sa mga ito ay broadcast media. Binubuo ito ng mga medium tulad ng radyo at telebisyon kung saan madalas tayong nakakakalap ng impormasyon at aliw.
Sa ating pagtalakay sa kasaysayan, epekto, at hinaharap ng broadcast media sa konteksto ng Pilipinas, mangyaring bigyan ng pansin ang mga ito at unawaing mabuti.
![]() |
Radyo at Telebisyon bilang uri ng Broadcast Media (Inedit sa Canva) |
Ano ang Broadcast Media?
Ang broadcast media ay tumutukoy sa mga teknolohiyang ginagamit at nagsisilbing daluyan upang maiparating ang impormasyon sa maraming tao.
Ang pinakakilala natin ay ang radyo't telebisyon. Sa pamamagitan nito, ang balita, dokumentaryo, musika, at maging ang paborito nating panoorin na drama ay nakakarating sa atin at ating natutunghayan ang mga ito.
Ang mga sumusunod ay mga bagay na naidudulot ng broadcast media sa atin.
- Napapanahong balita tungkol sa lokal at pandaigdigang pangyayari, showbiz, at entertainment.
- Libangan at aliw sa pamamagitan ng mga programa sa radyo at telebisyon.
- Programang pang-akademiko, pangkaalaman, siyentipiko at teknolohiya.
Simula ng Radyo at Telebisyon sa Pilipinas
Isang makalumang radyo. (Mula sa Unsplash) |
Sa ating bansa, unang narinig ang radyo noong 1920s. Kung babalikan ang kasaysayan, taong 1922 nang unang mag-test broadcast ng radyo sa Pilipinas si Mrs. Redgrave. Ito ay ginawa sa Nichols Field na ngayo’y kilala na bilang Villamor Air Base, Pasay City.
Sa paglipas ng panahon, umusbong din ang sining sa radyo kagaya ng mga tugtogan ng banda, komedya, at maging ang zarzuela. Di naglipas, tumampok na rin ang iba't ibang kwentohan at drama na ngayo'y madalas pakinggan ng mga Pilipino habang sila'y nagtratrabaho o nagpapahinga.
Isang lumang telebisyon. (Mula sa Unsplash) |
Bilang mahalagang midyum ng telekumunikasyon, balikan naman ang kasaysayan ng telebisyon sa Pilipinas.
Ang telebisyon ay nagsimulang umusbong sa bansa noong taong 1953. Matatandaan na ang Alto Broadcasting System ang isa sa mga kauna-unahang nagbroadcast sa bansa.
Alam mo ba na noong September 21, 1953, mga bandang 6:15 ng hapon, ay ipinalabas sa telebisyon ang kauna-unahang channel sa Pilipinas? Sa panahong iyon, nasa dalawang-daang black and white TV sets lamang ang meron sa bansa.
Simula noon, naging bahagi na ng pang-araw-araw na routine ng bawat Pilipino ang panonood sa TV. Pakakatandaan na bagama't hindi ganon kaganda ang kalidad ng pinapanood kumpara sa ngayon, nandoon pa rin ang excitement ng mga manonood habang hinihintay na ipalabas ang kanilang paboritong programa.
Ang Broadcast Media sa Modernong Panahon
Hindi maikakaila na sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya, binago ng internet ang paraan ng pagkonsumo ng media. Kasabay ng ng pagbabagong ito ang paglabas ng mga streaming platforms, social media, at on-demand content na siyang nagdulot ng matinding kumpetisyon sa tradisyunal na broadcast media.
Gayunpaman, pinatunayan ng broadcast media ang kakayahan nitong makibagay at makisabay sa pamamagitan ng digital transformation kagaya ng live streaming at on-demand services online.
Mapapansin din ang mga interaktibong programa ng pakikipag-ugnayan sa mga manonood at tagapakinig sa pamamagitan ng social media platforms.
Konklusyon
Nananatiling makabuluhan ang layunin ng broadcast media: ang maghatid impormasyon at magsilbing boses ng madla.
Sa pamamagitan ng talk shows, mga programa ng serbisyo publiko, at mga palatuntunang tumatalakay sa mga isyu ng lipunan, nabibigyan ng boses ang mga karaniwang tao sa mga usaping ito.
Sa kabila ng mga hamon ng patuloy na pagbabago sa teknolohiya, mananatiling matatag na haligi ng komunikasyon at impormasyon sa Pilipinas ang broadcast media.
0 Mga Komento