Pangunahing Layunin ng Tekstong Persweysib

Tekstong Persweysib. (Inedit sa Canva)

Ang tekstong persweysib ay isang uri ng sulatin na may layuning manghikayat o magpaliwanag ng isang ideya o opinyon sa lohikal at maayos na paraan. Sa pamamagitan ng panghihikayat na ito, isinusulong ng awtor ang kanyang pananaw na nagsisilibing gabay upang hikayatin ang mga mambabasa sa kanyang posisyon hinggil sa isang isyu o paksa. 

Kaya naman sa sulating ito, ating aalamin ang pangunahing layunin ng tekstong persweysib, ang mga elementong bumubuo dito, gayundin ang mga gamit nitong estratehiya upang makuha ang atensyon at paniniwala ng mambabasa.

Depinisyon ng Tekstong Persweysib

Ang tekstong persweysib ay isang anyo ng pagsusulat na naglalayong magpaliwanag o magpahayag ng isang ideya upang kunin ang pagsang-ayon o pag-apruba ng iba. Kailangang mapanindigan at maipagtanggol ng manunulat ang kaniyang inilalahad sa tulong ng mga totoong datos upang makumbinsi ang mga mambabasa.

Naglalaman ng mga argumento at ebidensya ang mga tekstong ito. Gamit ang mga ito, nahihikayat ang mga mambabasa sa bawat pahayag na nilalahad.

Sa pagsasalaysay, kailangang patunayan ang kredibilidad ng posisyon ng awtor. Ang madalas na tinatalakay ay ang mga isyu o problema na may kinalaman sa isang partikular na paksa, kaya't napakahalaga na malinaw at maayos ang pagkakasunod-sunod ng mga ideya upang maging mabisang panghikayat.

Sa konteksto naman ng komersyal na panghihikayat, marami na ring kakaiba sa pamamaraan ng ilang kompanya. Isang magandang halimbawa ang makatawag-pansin na commercial ad video ng RC Cola noong November 2020. Dahil dito, tumaas ng 67% ang kanilang sales. Isa itong patunay na ang epektibong panghihikayat ay talagang nagbubunga.

Layunin o Kahalagahan ng Pagsusulat ng Tekstong Persweysib

Ang pangunahing layunin ng pagsusulat ng tekstong persweysib ay  manghikayat ng mga mambabasa. Ang mga pananaw ng manunulat ay inilahad para mangumbinsi. 

Kung bakit mahalaga rin ito sa paghubog ng mga opinyon ng mga mambabasa hinggil sa isang paksa ay dahil malaki ang ginagampanang responsibilidad ng tekstong persweysib sa pagbibigay ng tamang impormasyon na suportado ng mga nakalap na datos. 

Gayunpaman, mayroon ding gumagamit nito sa ibang paraan na minsa'y hindi batay sa tamang impormasyon. Ang mga ito ay tinatawag na propaganda devices.

Name Calling

Ang name calling ay isang propaganda device na naglalayong manira ng reputasyon ng isang tao, ideya o produkto sa pamamagitan ng paggamit ng mga negatibong pahayag. 

Ginagamit ang mga hindi kanais-nais na taguri upang hindi tangkilikin ang isang bagay sa merkado. Madalas itong nagyayari sa mga magkakatunggali.

Glittering Generalities

Ang glittering generalities ay isang propaganda device na gumagamit ng mga mabulaklak na pahayag para mag-iwan ng magandang impresyon sa iba. Ang mga pahayag na ginagamit ay sobrang nakakahikayat at minsa'y nakakasilaw.

Bandwagon

Ang bandwagon ay isang teknik ng propaganda kung saan nauudyok ang mga tao na sumawsaw sa isang ideya dahil mainit itong pinag-usapan o sumali rin sa mga nauuso dahil nakikita nilang marami nang gumagawa at sumusuporta rito. 

Dahil dito, mahihinuha ang layunin nitong manghikayat ng madla para sundan ng iba ang nauusong bagay o lumalagablab na usapin sa internet.

Testimonial

Ang testimonial ay isang propaganda device kung saan ang isang kilalang tao o eksperto sa isang bagay ay ginagamit upang magendorso ng isang ideya, produkto, o serbisyo. 

Dahil dito, mahihinuha ang paggamit ng kasikatan o kredibilidad para paniwalain ang mga indibidwal na tama o maganda ang isang bagay o produkto.

Plain Folks

Ang plain folks ay isang teknik kung saan ang mga sikat na indibidwal ay pinapalabas na ordinaryo lamang sa paggamit ng mga produktong prinopromote. 

Card Stacking

Ang card stacking ay isang propaganda device kung saan may inaalis o may pinagandang detalye para maipakita lamang ang mga magandang aspeto ng isang bagay. Layunin nitong itago ang mga hindi kanais-nais na aspeto ng isang bagay. 

Mapapansin agad ito sa mga impormasyong sinasaad o pinapakita nang paulit-ulit upang ipabatid sa madla na ang isang ideya o produkto ay mas maganda kaysa sa aktwal nitong katangian.

Konklusyon

Sa kabuuan, malaking papel ang ginagampanan ng tekstong persweysib sa pagpapahayag ng opinyon at pananaw. Nagbibigay ito ng matibay na dahilan na maaaring magpabago sa pananaw ng iba. 

Ang mga manunulat ng persweysib ay gumagamit ng mga epektibong estratehiya at argumento upang mapaniwala ang kanilang tagapakinig o mambabasa.

Sa makatuwid, ang tekstong persweysib ay hindi lamang isang simpleng pagsulat ng opinyon, kundi isang masusing pagbuo ng mga pahayag na maaaring makapagbago sa iyong pagtingin sa isang bagay.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento