Ang Alamat ng Palay at Mensaheng Hatid Nito


Noong unang panahon, ang mga ninuno natin ay may natatanging paraan ng pamumuhay. Wala silang mga permanenteng tirahan at palipat-lipat sila ng lugar. Kung saan may masaganang pagkain, doon sila nananatili. Ang ilan sa kanila ay nanirahan sa loob ng mga kweba, samantalang ang iba naman ay nagtayo ng bahay sa itaas ng malalaking puno. Mayroon ding mga gumawa ng bahay na yari sa kugon.

Sa ating kwento, bibida sina Burnik at Paway. Kabilang sila sa mga nagtayo ng bahay na kugon. Nang bagong kasal pa lamang sila, pinagdadalangtao ni Paway ang kanilang unang anak.

Noong malapit nang manganak si Paway, sinabi niya sa kaniyang asawa na si Burnik na kailangan nilang magtayo ng matatag na tirahan.

Dahil nauunawaan ni Burnik ang pangangailangan ng asawa, naghanap siya ngayon ng lugar kung saan may masaganang puno at malapit sa ilog para sa pangingisda. Nang makahanap siya, doon na nagtayo si Burnik ng isang maliit na kubong gawa sa kugon.

Sa simula, naging masagana ang kanilang pamumuhay. Maraming prutas at isda ang kanilang naaani. Ngunit habang tumatagal, ang kasaganaang ito ay unti-unting nauubos. Dahil dito, nahirapan si Burnik sa paghahanap ng pagkain.

Isang araw, sa kanyang paglalakbay upang maghanap ng pagkain, natagpuan ni Burnik ang isang lugar na maraming damo na may gintong bunga. Isang katutubo ang lumapit sa kanya at sinabing maaari niyang bayuhin ang mga butil ng bungang ito hanggang lumabas ang puting laman nito tsaka niya ito lutuin. 

Tuwang-tuwa si Burnik sa kanyang natuklasan. Sa wakas ay may tiyak na silang pagkukunan ng pagkain. 

Simula noon, tinawag nila itong palay. Nagtanim siya ng maraming palay at itinuro rin sa iba pang kasama kung paano ito paramihin.

Sa makatuwid, ang pagtatanim ng palay ay naging pangunahing kabuhayan ng maraming magsasaka hanggang sa kasalukuyan.

Ang aral ng kwento

Mula sa alamat ng palay, mapupulot ang kahalagahan ng pagtitiyaga at diskarte, pagkamalikhain, at pagbabahagi ng kaalaman. Ang mga bagay na ito ay tunay na makabuluhan sa ating buhay.

Una, ipinapakita ng kuwento na sa kabila ng mga hamon at kakulangan, hindi sumuko si Burnik. Sa halip, nagpatuloy siya sa paghahanap ng solusyon para sa kanilang pangangailangan. Isa itong simbolismo ng pagiging matiyaga at madiskarte.

Pangalawa, ang kakayahang bumuo at magpatayo ng bahay na gawa sa kugon at bahay sa itaas ng puno ay nagpapakita ng pagkamalikhain ng ating mga ninuno. Hanggang sa kasalukuyan, makikita pa rin ang ating pagkamalikhain, hindi lang sa larangan ng paggawa ng mga bahay kundi pati rin sa napakarami pang bagay.

Panghuli, mahalaga ang pagbabahagi ng natutunan sa kapwa. Sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba, nagkaroon silang lahat ng tuloy-tuloy na suplay ng pagkain. Nakatulong siya upang mapaunlad ang kabuhayan ng buong komunidad. Sa ganitong paraan, ang pag-unlad ay hindi lamang pansarili kundi pangkalahatan-isang bagay na dapat itanim sa ating isipan dahil mas masayang mabuhay sa pamayanang binubuo ng mga tao na nagtutulungan at naghihilaan pataas, hindi sa lugar kung saan ang bawat tao'y may kinikimkim na galit sa iba.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento